Iniimbestigahan na ng WPP o Witness Protection Program ng DOJ ang umano’y paglabag ni dating Makati City Vice Mayor Ernesto Mercado sa patakaran para sa mga nasa ilalim ng naturang programa.
Kaugnay ito ng report na nakipag-ugnayan si Mercado sa magkapatid na Joel at Mario Reyes na kapwa tinutugis pa noon dahil sa pagpaslang kay broadcaster environmentalist Doc Gerry Ortega.
Sinabi ni Justice Secretary Leila de Lima na kailangan pang imbestigahan ang alegasyon bago gumawa ng susunod na hakbang kontra kay Mercado.
Una nang umalma ang Whistleblowers Association of the Philippines sa anito’y kawalan ng aksyon ng DOJ sa paglabag ni Mercado sa panuntunang bawal gumamit ng telepono ng walang pahintulot sa mga opoisyal ng WPP lalo na’t mga wanted sa batas ang kausap nito.
Samantala, itinanggi ni dating Makati City Vice Mayor Ernesto Mercado ang alegasyong nakipag-ugnayan siya sa Reyes brothers na pawang suspek sa pagpaslang kay broadcaster environmentalist Doc Gerry Ortega.
Gayunman, inamin ni Mercado na kilala niya ang magkapatid na Joel at Mario Reyes na huli aniya niyang personal na nakausap, dalawang araw bago umalis ng Pilipinas ang mga ito noong March 2012.
Sinabi ni Mercado na magkaibigan sila at walang masama kung mag-lunch sila ng Reyes brothers.
Tumanggi naman si Mercado na isapubliko ang napag-usapan nila sa nasabing lunch meeting samantalang ayaw nitong kumpirmahin o itanggi kung alam niyang lalabas ng bansa ang magkapatid na Reyes.
Una nang isinulong ng grupo ng whistleblowers ang pagtanggal kay Mercado sa Witness Protection Program dahil sa pakikipag-usap sa Reyes brothers.
By Judith Larino