Hindi pa rin tinanggap ni Chinese President Xi Jinping ang pagkapanalo ng Pilipinas sa permanent court of arbitration sa The Hague sa usapin ng pinag-aagawang teritoryo sa South China Sea.
Ito ang inihayag ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo matapos ng bilateral meeting ng dalawang lider kung saan iginiit aniya ni Pangulong Rodrigo Duterte ang arbitral ruling bilang final at binding.
Ayon kay Panelo, nanindigan si Xi na hindi nila kikilalanin ang arbitral ruling at iginiit na hindi matitinag ang kanilang posisyon.
Kaugnay nito, kapwa aniya napagkasunduan nina Pangulong Duterte at Xi na bagama’t mananatili ang magkaiba nilang posisyon sa usapin, hindi ito makaaapekto o makababawas sa pagkakaibigan ng dalawang bansa.
Dagdag ni Panelo, hindi rin anila maituturing na kabuuan ng bilateral relationship ng Pilipinas at China ang pinagtatalunang usapin.
Sa kabila naman nito, sinabi ni Panelo na sumang-ayon ang China sa pagbuo ng code of conduct sa South China Sea para maresolba ang usapin sa pinagtatalunang teritoryo.
Dagdag ni Panelo, nais naman ni Xi na bumuo ng isang komite na tatalakay sa pagkakaroon ng substantive program hinggil sa usapin ng joint gas exploration sa West Philippine Sea.
Samantala, nagpahayag naman ng kahandaan si Xi na maglaan ng kompensasyon sa 22 mangingisdang sakay ng binangga bangka ng Chinese Vessel sa Recto Bank.