Handa umanong magpabaril at umalis sa puwesto si Pangulong Rodrigo Duterte sakaling mapatunayang sobra-sobra sa apatnapung (40) milyong piso ang laman ng kaniyang deposito sa bangko.
Tiniyak ng Pangulo sa kaniyang muling pagbisita sa Marawi City na hindi lalagpas sa nasabing halaga ang kaniyang deposito kung saan, kabilang na doon ang kaniyang mana mula sa kanilang mga magulang.
Iginiit ng Pangulo na handa siyang iladlad sa publiko ang kaniyang libreta de bangko o bank book para patunayang totoo ang kaniyang sinasabi kasabay ng banta na pagbibitiw sa puwesto.
Nais umano ng Pangulo na lumabas ang totoo upang malaman kung sino sa kanila ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno at Omubdsman Conchita Carpio – Morales ang tunay na magnanakaw.
Duterte: Dating pulis na suspek sa Luneta bus hostage kinikilan ng Ombudsman
Handang ilabas ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kaniyang alas laban kay Ombudsman Conchita Carpio Morales kapag hindi ito nagbitiw sa puwesto.
Ito’y matapos ang iligal na pagkuha ng Ombudsman ng bank records ng Pangulo at ng first family na walang pahintulot mula sa AMLC o Anti-Money Laundering Council.
Sa kaniyang pagbisita sa Marawi City, hindi napigilan ng Pangulo ang kaniyang galit kaya’t nagbanta siyang huhubaran sa publiko si Morales at ilalantad ang lahat ng sikreto nito.
Pagbubunyag pa ng Pangulo, ang dating Pulis – Maynila na si dating Senior Inspector Rolando Mendoza ang tinutukoy niyang hiningan ng pera ng Ombudsman kaya’t tinuluyan ito sa kaniyang kaso na nagresulta sa madugong hostage taking sa Quirino grandstand noong Agosto 2010.