Nanganganib na maubos ang likas na yamang pandagat sa Recto Bank tulad ng nangyari sa karagatang legal na nasasakupan ng China.
Sa harap ito ng pagpayag ng Pangulong Rodrigo Duterte na mangisda ang China sa Recto Bank na bahagi ng exclusive economic zone (EEZ) ng bansa.
Ayon kay Professor Jay Batongbacal ng University of the Philippines Institute for Maritime Affairs and Laws of the Sea, kaya nagpipilit ang China na pasukin at ariin ang mga hindi nila teritoryo ay dahil inubos at sinira na nila ang yamang dagat sa sarili nilang karagatan.
Sa ngayon pumapasok sila pero kumbaga they keep the distance. Nananatili pa rin sila sa malayong parte ng EEZ. Pero pag ganyang aakalain nilang may permiso na, e baka talagang umabot na sila sa dalampasigan pa natin. Uubusin talaga nila an gating pangisdaan. Nakita naman natin kung paano sila mangisda, e. Hindi lang nila inuubos ‘yung isda kun’di pati na rin ‘yung mga tirahan ng isda, kung saan sila nagbi-breed, pinupulbos nila ‘yung mga coral reef, sinisira talaga nila. So, pag nangyari ‘yan ay wala talagang matitira sa ating pangisdaan,” ani Batongbacal.
Sinabi ni Batongbacal na batay sa pahayag ng mga mangingisda, 40% na lamang ng dati nilang huli ang nakukuha nilang isda sa ngayon.
Maliban sa China, parang binuksan na rin ng Pangulong Duterte sa iba pang mga bansa ang ating EEZ para mangisda.
Kayat kahit pa anya ipatupad ng susunod na pangulo ng bansa ang arbitral ruling na nagsasabing eklusibo para sa mga Pilipino ang yamang dagat sa ating EEZ, baka wala na ring mapakinabangan ang mga Pilipino.
At ‘yung ating mga mangingisda rin walang kalaban-laban do’n sa kanilang mga fishing ship na napaka-industrialized. Napakalaki nu’ng mga vessel nila, gawa sa bakal, tapos napakalakas din ng capacity. Kaya nga sila nandito, e. inubos at sinira na nila ‘yung sarili nilang mga pangisdaan. So, gagawin din nila ‘yon ditto sa atin,” dagdag pa ni Batongbacal.
Balitang Todong Lakas Interview