Siniguro ni House Appropriations Committee Chair Eric Yap na hindi makaaapekto sa nakatakdang budget deliberations ng mababang kapulungan ang biglaang pagbibitiw sa puwesto ni Budget Secretary Wendel Avisado.
Ayon kay Yap, kumpyansa silang marami ang ‘capable’ o may kakayanan sa ahensya bukod kay Avisado.
Giit ng mambabatas na isa na rito ay ang tumatayong officer-in-charge ng ahensya na si Usec. Tina Rosemarie Canda.
Kasunod nito, tiniyak ni Yap na sinuman ang maitatalagang bagong kalihim ng ahensya ay makatutulong sa deliberasyon ng budget para sa susunod na taon.
Sa huli, sinabi naman ni Yap na kanyang suportado si Avisado sa desisyon nitong magbitiw sa puwesto para na rin naman aniya ito sa ikabubuti ng kalusugan ng opisyal.