Hindi kumbinsido si dating foreign affairs secretary Perfecto Yasay na ninakaw ng dating contractor ng DFA ang mga impormasyon sa passport renewal system.
Ayon kay Yasay, maaaring maling impormasyon ang nakarating kay Secretary Teddy Locsin na tinangay ng contractor ang mga datos at wala umanong magagawa rito ang kagawaran.
Maaari anyang nais ilihis ng ilang opisyal ng DFA ang tunay na issue at ito ang pag-award sa kontrata para sa passport production sa pamamagitan ng “end-to-end basis.”
Sub-contractor para sa personalization system ng mga pasaporte ang french firm na Francois-Charles Oberthur Fiduciare (fran-szwa-sharl o-ber-tur fid-i-sher) noong 2006 alinsunod sa rekomendasyon ng Bangko Sentral.
Libre ang serbisyo ng Oberthur sa DFA simula 2009 hanggang 2014 nang mag-issue ang noo’y secretary Albert Del Rosario ng purchase order contract pabor sa Apo Production.
Kinuha naman ng Apo na kumpanya sa ilalim ng Presidential Communications Office ang serbisyo ng United Graphic Expression Corporation o UGEC para sa produksyon ng mga bagong e-passports nang walang “bidding.”
Dahil sa pagpasok sa eksena ng Apo at Ugec, itinigil na ng Oberthur ang kanilang libreng serbisyo kaya’t maling sabihin na tinangay ng french company ang datos ng mga passport holder.