Itinaas ng lokal na pamahalaan ng Quezon sa yellow alert ang COVID-19 status sa lugar matapos na makapagtala ng pagtaas ng average daily cases.
Ayon sa QC Epidemiology and Disease Surveillance Unit (QCESU), nasa 26 average COVID-19 cases kada araw ang naitala ngayong linggo.
Dahil dito, dumoble sa 3.10% ang average positivity rate mula sa 1.50% noong May 27 hanggang June 2.
Tumaas din sa 3.4% ang reproduction number mula sa 1.1% noong nakaraang linggo.
Ayon kay QCESU chief Dr. Rolando Cruz, may posibilidad na tumaas pa ang COVID-19 cases sa susunod na dalawang linggo sa ilalim ng kasalukuyang status.
Nilinaw naman niya na ang kanilang local early warning system ay ginagamit lamang sa kanilang lokalidad at hindi aniya dapat malito sa official alert level na inilabas ng IATF.
Samantala, pinaalalahanan ni Mayor Joy Belmonte ang mga residente nito na patuloy na sundin ang health protocols tulad ng pagsusuot ng face mask at pagpapaturok ng COVID-19 vaccine at booster shot.