Walang nakikitang dahilan ang Metropolitan Manila Development Authority o MMDA para itigil ang pagpapatupad ng yellow lane policy sa EDSA sa kabila ng mga natatanggap nitong pagbatikos mula sa publiko.
Sinabi ni MMDA Traffic Chief Bong Nebrija, kailangan lamang na makiisa ang lahat upang magtagumpay ang layunin ng polisiyang ito na maibsan ang matinding trapik sa EDSA.
Kaunting panahon pa aniya ang kanilang hinihiling dahil tiyak aniyang makakapag-adjust din ang lahat at makikita ang resulta ng implementasyon ng yellow lane para sa mga city buses.
Matatandaang, inulan ng batikos ang polisiyang ito ng MMDA dahil sa pagiging anti-poor nito lalo na’t ang labis na naaapektuhan at nahihirapan dito ay ang mga ordinaryong mananakay ng mga pampublikong sasakyan.