Patuloy pa ring makararanas ng mga pag-ulan, pagkulog at pagkidlat ang bahagi ng Zambales, Bataan, Kalayaan Islands at Palawan dahil pa rin sa Southwest monsoon o Hanging Habagat.
Ayon kay PAGASA weather specialist Ana Clauren, magiging maayos at maaliwalas naman ang kondisyon ng panahon sa Metro Manila at nalalabing bahagi pa ng Luzon Pero kailangan pa rin ng ibayong pag-iingat at panatilihing maging alerto laban sa banta ng pagbaha at pagguho ng lupa.
Ugaliin din ang pagdadala ng payong at iba pang panangga para sa biglaang pagbuhos ng ulan bunsod ng localized thunder storm at matinding sikat ng araw.
Asahan naman ang kalat-kalat na pag-ulan sa Western Visayas habang magiging maaliwalas naman sa bahagi ng Central at Eastern Visayas pero may posibilidad parin ng mga isolated rain showers sa hapon hanggang sa gabi.
Wala namang inaasahan na malawakang pag-ulan sa Mindanao kaya asahan na magiging mainit ang panahon lalo na sa umaga at tanghali.
Agwat ng temperatura sa Metro Manila ay maglalaro sa 25°C hanggang 34°C habang sisikat naman ang haring araw mamayang 5:44 ng umaga at lulubog naman ito mamayang 6:04 ng hapon.