Hinamon ni Bayan Muna Party-list Representative Carlos Isagani Zarate ang Pangulong Rodrigo Duterte na kondenahin ang presensya ng 220 Chinese militia vessels sa Julian Felipe Reef ng West Philippine Sea (WPS) na sakop ng Exclusive Economic Zone ng bansa.
Sinabi ni Zarate na kulang ang inihaing diplomatic protest ng Department of Foreign Affairs (DFA) laban sa China sa nasabing usapin hanggat walang pahayag mismo nang pagkondena mula sa Pangulong Duterte.
Makailang beses na aniyang pinalampas ang mga mapangahas na aksyon ng China sa WPS kaya’t nakakabahalang mauwi na naman ito sa pagtatayo ng artificial island sa nasabing bahura.
Sa halip na tumutok sa isyu ng red-tagging sa mga aktibista, binigyang diin ni Zarate na dapat tapatan ng agresibong aksyon ang mga nambu-bully sa bansa.