Inatasan na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang Philippine National Police (PNP) na kumpiskahin ang mga iligal na paputok at arestuhin ang sinumang lalabag dito.
Iyan ang inihayag ni DILG Sec. Eduardo Año sa gitna pa rin ng nararanasang pandemya ng COVID-19 sa bansa.
Ayon kay Año, target nilang makamit ang zero casualty at zero firecracker – related injury sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Dahil dito, sinabi ni Año na dapat magsagawa ng inspeksyon ang PNP sa mga manufacturing complex, warehouse at processing areas gayundin sa mga dealer ng paputok.
Kasunod nito, inatasan din ng kalihim ang Bureau of fire Protection (BFP) na paigtingin ang kanilang Oplan paalala/ Iwas paputok campaign na may battle cry na “Sa halip na paputok, pito” ang gamitin.