PINAALALAHANAN ng pamunuan ng Philippine Army ang mga tauhan nito na manatiling non-partisan sa nalalapit na 2022 National at Local Elections.
Ito ang inihayag ni Lt/Gen. Romeo Brawner Jr, Commanding General ng Philippine Army matapos na nilang simulan ang pagpapakalat ng mga tao para umalalay sa pambansang pulisya sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan.
Magkatuwang ang Militar at Pulisya sa pagbabantay ng mga inilatag na checkpoint lalo na sa mga malalayong lalawigan at mga lugar kung saan kilalang may presensya ng mga rebelde.
Kasunod nito, pinaalalahanan din ni Brawner ang kanilang mga tauhan na maging maingat sa paghahayag ng saloobin gamit ang social media at pinagbawalan niya ang mga ito na magpost, maglike, magshare at magkomento sa mga aniya’y politicaly motivated na post.
Tiniyak din ng Army Chief ang kanilang pagsunod sa umiiral na COMELEC gun ban na nagsimula kahapon, Enero 9 hanggang Hunyo 8 kung saan, bawal magdala ng baril ang sinumang nasa unipormadong hanay sa labas ng kanilang duty.