Kung noong nakaraang linggo ay zero remittance ang inilunsad ng mga Overseas Filipino Worker (OFW), susundan naman daw ito ng zero vote campaign sa 2016 elections laban kay Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas, ang pambato ng administrasyon o ng Liberal Party.
Ito ang naging tugon ng grupong Migrante sa Middle East kasunod ng naunang panawagan ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte sa mga OFW na vote wisely.
Ayon kay John Leonard Monterona, Regional Director ng Migrante sa Middle East, ang napipinto nilang hakbang ay kasunod ng mga panuntunan ng pamahalaan na aniya’y anti-people at anti-OFW.
Kabilang aniya rito ang pagiinspeksyon sana ng mga balikbayang box na ipadadala ng mga OFW sa Pilipinas at ang dagdag na bayarin sa mga ito.
Bukod dito, naniniwala rin si Monterona na hindi matutugunan ni Roxas ang ugat kung bakit may mga Pinoy pang kailangang magtrabaho sa abroad, gayundin ang labis aniyang kahirapan sa bansa.
Sa tala ng Department of Foreign Affairs – Overseas Absentee Voting Secretariat, umabot na sa 600,000 ang mga bagong registered voters at target nilang umabot ito sa isang milyon sa katapusan ng pagpaparehistro sa ika-31 ng Oktubre ngayong taon.
By Allan Francisco