Kabilang ang pusit sa mga paboritong pagkain ng mga Pilipino. Nariyan ang calamares, ginisa, sisig, at adobong pusit. Pero kaya mo bang kumain ng gumagalaw na pusit?
Ang squid sashimi ay isang kakaibang putahe mula sa Japan. Kahit wala nang buhay, gumagalaw pa rin ito habang kinakain kaya kilala ito bilang “dancing zombie squid.”
Tinaguriang epitome ng gourmet food ang squid sashimi o katsu ika odori-don sa Japan.
Upang ihanda ang pusit na gagamitin sa sashimi, kailangan munang tanggalin ang dalawang tentacles nito, kasunod ng mata at bibig.
Gamit ang kutsilyo, hihiwain ang pusit upang maalis ang lamang-loob nito. Pagkatapos, ihihiwalay na ang ulo mula sa katawan. Kapansin-pansing kahit wala nang ulo, gumagalaw pa rin ang tentacles lalo na kung bubuhusan ito ng sauce tulad ng toyo.
Ito ay dahil sa mayroong highly-developed nerves ang mga pusit. Kahit wala na itong buhay, nagre-react pa rin ang tentacles sa sodium mula sa sauce. Natri-trigger ng sodium ang cells ng pusit kaya nagco-contract ang muscles nito.
Kapag kinain, ramdam na ramdam sa bibig ang bawat paggalaw ng tentacles.
Creamy at sweet na may strong aftertaste kung ilarawan ang lasa ng squid sashimi. Para sa mga nakatikim na nito, mas masarap kung lalagyan ito ng toyo o asin.
Kakaiba man para sa atin, malaking bahagi ng kultura at kasaysayan ng Japan ang pagkain ng hilaw na putahe.
Ikaw, susubukan mo bang kumain ng zombie squid?