Nagnegatibo na sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) si Senador Juan Miguel Zubiri batay sa isinagawang confirmatory test ng Philippine Red Cross.
Ito ay matapos namang muling magpositibo sa virus ni Zubiri sa isinagawang swab test ng Department of Health (DOH) bago ang pagdalo sana ng senador sa ika-limang State of the Nation Address (SONA) ng pangulo.
Ayon kay Zubiri, mismong ang mga eksperto na ang nagsabing maaari pa remnants o latak ng dead virus cells ang nadetect sa kanya sa isinagawang swab tests ng DOH.
Karaniwan na aniya itong nangyayari sa mga naka-recover na COVID-19 patients.
Gayunman, sinabi ni Zubiri na muli pa rin siyang sasailalim sa self quarantie bilang pagtitiyak.
Magugunitang nakaranas din ng katulad na sitwasyon si Senador Sonny Angara noong Mayo kung saan lumabas na positibo siyang muli sa COVID-19 nang sumalang sa test bago ang nakatakda niya sanang pagdodonate ng blood plasma.