Hindi na ikinagulat ng kampo ni Senadora Grace Poe ang naging desisyon ng Commission on Elections (COMELEC) na ikansela ang certificate of candidacy ng senadora sa pagka-pangulo sa 2016.
Ayon kay Senador Chiz Escudero na siyang running mate ni Poe, ang diskwalipikasyon laban sa senadora ay pakana umano ng Liberal Party (LP).
Sinabi ni Escudero na tatlong COMELEC Commissioner ang may koneksyon umano sa kampo ng Liberal Party.
Maliban dito, nakapagtataka din ayon kay Escudero kung bakit alam na alam ni LP Spokesman Edgar Erice ang mga desisyon ng COMELEC.
“Syempre ikinalungkot dahil tila totoo at nalalamang eksakto ni Congressman Erice at LP ang mga magiging hakbang at pasya ng COMELEC, aalamin din namin sa mga susunod na araw kung ano ba ang relasyon at ano nga ba ang basehan ng kanyang pagyayabang kaugnay sa mga COMELEC decisions.” Ani Escudero.
“Para sa amin maliwanag namang mali yung desisyon at pasya, ikinagulat pa namin na tila nauna pang nalaman ni Congressman Erice na may ganyang desisyong lalabas dahil na-presscon niya na yan nung isang araw pa, bago lumabas yung desisyon.” Dagdag ni Escudero.
Matatandaang batay sa akusasyon ng grupong Anakbayan, sina COMELEC Commissioner Al Parreno at Arthur Lim ay napabalitang ka-brod nina Liberal Party Leader at Senate President Franklin Drilon at abogado ng administrasyon na si Atty. Avelino Cruz sa Sigma Rho Fraternity.
Ito kung saan ipinanawagan pa ni Vencer Crisostomo, Chairperson ng Anakbayan na kilatising maigi ang background at pagkatao ng mga commissioner sa COMELEC na maaaring ginagamit para sa umano’y dirty tactics ng administrasyon.
Gayunman, nilinaw ni Escudero na uubra pang mag-apela sa COMELEC En Banc si Poe dahil hindi pa pinal ang naturang desisyon ng second division.
“Kung hindi pa rin papabor ang COMELEC En Banc puwede pong iakyat yan sa Korte Suprema, pangalawa dahil hindi pa po pinal yan, hindi naman po ibig sabihin na disqualified na si Senator Grace, ibig sabihin lang ay may pasya na laban sa kanya, pangatlo, yung December 10 po’y walang kinalaman sa naging desisyon ng COMELEC, substitution lang po yun at sa Pebrero pa ipi-print yung balota kung saan doon pagpapasyahan kung kani-kaninong pangalan ang ilalagay at hindi.” Pahayag ni Escudero.
By Ralph Obina | Judith Larino | Ratsada Balita
5 comments
alam ni chiz na maaring mangyari to pero pinilit pa din nya kawawa naman si poe
so pano na gagawin mo chiz nyan? sama ka na kay binay? iwan sa ere si poe?
wala ng magagawa si chiz jan iwan na din nya si poe tsk tsk
bat ganun magaling n abugado nga si chiz pero d nmn nya pinagtanggol ang katiket nya n si poe.. buti nlng aq solid #DC2016
pinahamak lng yan xa ng bise nya, n alam n maddsqualified.. #DC2016